Patuloy ang pagpapatupad ng mga operasyon ng Police Regional Office 1 dahilan ng daan-daang armas at wanted persons na naisa-kustodiya ng awtoridad noong Nobyembre.
Sa pagtatala ng tanggapan, mula sa 39 operasyon kontra ilegal na armas, 206 na baril ang nasamsam sa buong rehiyon kung saan pinakamataas sa bilang na 151 ang kusang isinuko ng mga gun owners sa pulisya habang 37 ang nakumpiska at tatlo naman ang narekober.
Samantala, 255 wanted persons na nahaharap sa magkakaibang kaso ang nasa tamang disposisyon na ng mga himpilan matapos matagumpay na isakatuparan ang paghahain ng warrant sa dalawang Regional Most Wanted Persons, walong Provincial Most Wanted, anim na City Most Wanted, at 22 Municipal Most Wanted.
Nadakip din ang 217 pang indibidwal na may iba’t ibang kasong kinakaharap.
Inihayag ni PRO1 Regional Director PBGEN Dindo R. Reyes, na patuloy ang mandato ng kapulisan sa pagpapatupad ng batas upang masawata ang kriminalidad kontra wanted persons at loose firearms.
Nakaantabay din ang hanay sa pagtitiyak ng kaayusan ngayong holidays sa kabila ng mga kaliwat kanang pagtitipon.









