Umabot na sa higit 500 bata na may edad 18-anyos at pababa ang tinamaan ng coronavirus disease, 10 sa mga ito ang namatay.
Sa virtual meeting ng House Committee on Welfare of Children, sinabi ni Department of Health (DOH) Epidemiology Bureau Director, Dr. Ferchito Avelino, mula pa nitong May 12 ay aabot na sa 590 na bata ang nagkaroon ng COVID-19, katumbas ito ng limang porsyento ng kabuoang kaso sa buong bansa.
Mula sa nasabing bilang, 546 ang active cases, habang 35 ang gumaling.
Sa bilang ng active cases, 38 ang asymptomatic, 506 ang mayroong mild symptoms, isa ang may severe symptoms, habang ang isa ay nasa critical ang kondisyon.
Karamihan sa mga bata ay may edad 11 at 55% sa kanila ay mga batang babae.
Ang National Capital Region (NCR), CALABARZON, at Central VIsayas ang mga rehiyon sa bansa na may pinakamataas na kaso ng COVID-19 sa mga bata.
Pinapayuhan naman ni DOH Children’s Health Development Division Medical Specialist, Dr. Anthony Calibo ang mga magulang o guardian na iwasang ibiyahe ang mga bata o idala ang mga ito sa mga ospital kung hindi naman emergency ang sitwasyon.