Higit 500 indibidwal, na-hire on the spot sa ginanap na mega job fair ng PESO Caloocan katuwang ang DZXL Radyo Trabaho

Umaabot sa 551 na job seekers ang na-hired on the spot sa katatapos lamang na mega job fair ng Public Employment Service Office (PESO) ng Caloocan katuwang ang DZXL 558 Radyo Trabaho.

Ilan sa kanila ay magsisimula ng pumasok bilang mga sales staff, service crew, merchandiser, driver, office staff, mechanic, cashier, rider at iba pa.

Ginanap ang mega job fair sa Caloocan City Sports Complex kung saan nasa higit 5,000 bakanteng trabaho ang inalok mula naman sa 53 inimbitahang kompanya.


Ikinatuwa ng lokal na pamahalaan ng Caloocan ang naging resulta ng ika-walo nilang job fair dahil marami na nilang residente ang magkakaroon ng maayos na pamumuhay matapos matanggap sa trabaho.

Maging ang Department of Labor and Employment (DOLE) ay masaya rin sa resulta ng Mega Job Fair dahil nalagpsan nito ang 30 percent success rate kung saan umaabot 34.6 percent mula 1,500 na bilang ng job seekers ang na-hire on the spot.

Inihayag pa ng Caloocan Local Government Unit (LGU) na abangan pa ang iba pang naka-linyang programa at proyekto na makakatulong sa kanilang mga residente na maging maayos ang takbo ng kanilang pamumuhay.

Facebook Comments