Aminado ang pinuno ng One Hospital Command Center na talagang tumataas ang bilang ng mga natatanggap nilang tawag kada araw na may kaugnayan sa COVID-19 cases.
Mula sa Laging Handa public press briefing sinabi ni Health Usec. at Treatment Czar Leopoldo Vega na ngayong linggo, nag-a-average sa 530 calls per day na ang kanilang natatanggap kumpara noong unang linggo ng Hulyo na pumapalo lamang sa 110 calls per day.
Ayon kay Usec. Vega ang mga tawag ay mula sa mga pasyenteng tinamaan ng COVID-19 na nais maipasok sa hospital facility pero punuan na ang mga ospital na kanilang unang napuntahan.
Ani Vega, sila ang in-charge sa referral ng mga ospital o kung saang pagamutan dadalhin ang isang pasyente lalo na yung severe at critical cases.
Sa kabuuang sitwasyon sa Metro Manila ay nasa high-risk category na ang mga ospital dahil na rin sa dami ng mga tinatamaan ng virus.
Aniya, ang mga mild to moderate cases naman ay dinadala sa isolation o temporary treatment & monitoring facility upang ang mayroong lamang severe at critical cases ang siyang dadalhin sa ospital na mas nangangailangan ng critical care.