Pigcawayan, North Cotabato – Mahigit 500 residente ng Pigcawayan, North Cotabato ang kusang lumikas kasunod ng pag-atake ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) sa lugar.
Gayunman, sa Minda Hour kanina, sinabi ni AFP Spokesperson Brig. Gen. Restituto Padilla na ligtas na mula sa mga bandido ang malagakit elementary school na unang sinalakay ng BIFF.
Dagdag pa ni Padilla, walang kinalaman sa Marawi Siege ang naging pag-atake ngayon ng BIFF.
Ayon naman kay P/Supt. Romeo Galgo, tagapagsalita ng PNP Central Mindanao – bina-validate na rin nila ang ulat na may 12 estudyante ang umano’y bihag ng BIFF na posible umanong ginawang human shields ng mga bandido.
Sa isang interview kinumpirma ni BIFF spokesman Abu Misry Mama na may mga hawak silang sibilyan.
Pero paglilinaw nito, hindi nila hostage ang mga ito at nais lang nilang makaiwas sa pagpapaulan ng bala ng mga sundalo.
Samantala, kaliwa’t kanang checkpoints na rin ang ikinasa ng Police Regional Office-12 matapos ang nangyaring pag-atake.