Umaabot na sa 1,322 pamilya o 5,266 na mga indibidwal ang naapektuhan ng pananalasa ng Bagyong Paeng.
Sa datos ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), mula ito sa 33 barangay sa 4 na lalawigan sa Region 6.
Partikular na ang Iloilo, Negros Occidental, Aklan at Capiz.
Sa nasabing bilang 862 pamilya o 3,348 na mga indibidwal ang pansamantalang sumisilong sa 20 evacuation centers habang ang nasa halos 300 katao ay mas piniling makituloy muna sa kanilang mga kamag-anak.
Sa ngayon, lubog pa rin sa baha ang 138 mga lugar mula sa Region 5, 6 at 8 kung saan nakapagtala rin ng landslide sa mga nabanggit na rehiyon.
Kasunod nito, patuloy ang paalala ng NDRRMC sa mga apektadong residente na mag-doble ingat, palagiang makinig sa lagay ng panahon at sumunod sa abiso ng lokal na pamahalaan upang maiwasan ang casualty.