Higit 5,000 residente sa dalawang bayan sa Batangas, lumikas na dahil sa pag-aalburuto ng Bulkang Taal – NDRRMC

Umabot na sa higit 5,000 ang bilang ng mga residenteng lumikas sa dalawang bayan sa Batangas kasunod ng pag-aalburuto ng Bulkang Taal.

Ito ang nilinaw ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) kasunod ng mga ulat na nasa 14,000 na ang bilang ng evacuees.

Sa interview ng RMN Manila kay NDRRMC Spokesperson Mark Timbal, nasa 5,583 lamang ang bilang ng evacuees at nananatili ang mga ito sa 22 evacuation centers.


Iginiit ni Timbal na ang 14,000 ay kanilang projection o pagtaya lamang.

Sinabi ni Timbal na wala ng isinasagawang evacuation sa volcano island dahil idineklara na itong “no man’s land.”

Nakatuon ang paglilikas sa mga bayang nasa high risk areas kabilang ang mga bayan ng Laurel at Agoncillo.

Bukod dito, nakapag-abot na rin ng nasa 5,000 Family Food Packs (FFPs) sa provincial capitol.

Nagtayo na rin ng dagdag na 200 tent para matiyak ang “1 room, 1 family” sa mga evacuation facilities at masiguro ang physical distancing.

Ang Department of Science and Technology (DOST) ay nagpaabot ng 50,000 washable masks habang nag Department of Health (DOH) ay nagpadala na ng gamot.

Binuksan na rin ng Department of Agriculture (DA) ang animal rescue center para sa mga ililikas na livestock.

Facebook Comments