Mahigit 50,000 pulis at fire personnel ang ide-deploy sa buong bansa para sa national vaccine rollout na isasama na ang A4 category sa susunod na buwan.
Ayon kay Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año, ito ay para matiyak na magiging maayos vaccine rollout kasunod ng inaasahang pagdating sa bansa ng 16 na milyong bakuna sa susunod na dalawang buwan.
Paliwanag pa ni Año, hindi lamang naatasang mangasiwa sa minimum public health standards sa vaccination sites ang mga uniformed personnel dahil magsisilbi rin silang vaccinators.
Sa kabuuang bilang, higit 35,000 pulis ang magbibigay ng seguridad sa pag-transport ng bakuna, habang ang halos 14,000 ang magbabantay sa mga vaccination area.
Samantala, kabuuang 2,390 fire personnel at 356 emergency medical service units ang ide-deploy naman ng Bureau Of Fire Protection (BFP) sa 1,150 na cold storage facilities at vaccination sites sa buong bansa.