Sa loob lamang ng sampung buwan ngayong 2023 nakakumpiska na ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Region 1 ng kabuuang 57.3M halaga ng shabu at marijuana sa Ilocos Region.
Base sa inilabas na datos ng ahensya sa isang virtual forum, inihayag ni PDEA regional director Joel Plaza na PHP15.3 milyong halaga ng shabu at PHP42 milyong halaga ng marijuana ang nakumpiska simula noong Enero hanggang Oktubre ngayong taon sa rehiyon.
Aniya pa, naglunsad sila ng kabuuang 611 na anti-illegal drugs operations na nagresulta sa 2.1 kilo (kg) ng shabu, 11 milliliter ng liquid shabu, at 30 kg tuyong dahon, halaman, at tangkay ng marijuana.
Sinabi niya na 721 na mga suspek ang naaresto kung saan 89 sa kanila ay itinuturing na mga high-value target, na target-listed, drug den maintainers at bisita, at marijuana cultivators.
Samantala, sa Ilocos Region may kabuuang 46 Balay Silangan Reformation Centers kung saan nasa 15 ang nasa Ilocos Norte, 11 sa Ilocos Sur, 11 sa La Union, at siyam sa Pangasinan. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨
Facebook Comments