Umabot na sa 64 na pasyente ang naka-enroll sa clinical trial na layong malaman ang bisa ng Virgin Coconut Oil (VCO) bilang adjunct therapy para sa mga pasyenteng na-ospital dulot ng COVID-19.
Ito ay batay sa report ng Philippine Council for Health Research and Development (PCHRD) na ibinigay kay Department of Science and Technology (DOST) Secretary Fortunato Dela Peña.
Ayon kay DOST-PCHRD Executive Director Dr. Jaime Montoya, target nilang matapos ang VCO study sa loob ng buwang ito.
Ang team ni Dr. Marissa Alejandria ng University of the Philippines –National Institute of Health (UP-NIH) ay mangangailangan na lamang ng 13 participants.
Bukod dito, nagpapatuloy din ang pag-aaral na layong i-evaluate ang beneficial effect ng VCO sa mga suspect at probable cases ng COVID-19 na naka-quarantine.
Si DOST-Food and Nutrition Research Institute (FNRI) Director Dr. Imelda Agdeppa ang mangunguna sa randomized, double-blind controlled intervention trial ng VCO.