Higit 60 probinsiya, idineklarang malaria-free ng DOH

Tiniyak ng Department of Health o DOH na patuloy ang kanilang pagsusumikap para makamit ang “malaria-free” na Pilipinas.

Batay sa datos ng DOH, aabot na sa 66 ba probinsya sa Pilipinas ang deklaradong malaria-free habang nasa 15 na lalawigan ang nasa “elimination phase” at isang lalawigan na lamang ang mayroong “local transmission” ng malaria, at ito ay ang Palawan.

Kabilang sa mga pinaka-huling naideklarang malaria-free ay ang mga probinsya ng Cotabato, Rizal, Aurora at Oriental Mindoro.


Ayon pa sa DOH, kabilang sa kanilang mga hakbang laban sa malaria ay pagpapalakas ng anti-malaria interventions sa mga lugar na may transmission; pataasin ang kalidad at kakayahan ng malaria diagnosis at treatment; malaria vector control; patuloy na surveillance para sa “early detection at management” at iba pa.

Nakasaad sa DOH circular na para maideklarang malaria-free ang isang lugar, ito ay wala nang kaso ng sakit sa nakalipas na limang taon.

Ang malaria na mula sa plasmodium parasites ay karaniwang naililipat sa pamamagitan ng kagat ng lamok kung saan ang mga sintomas nito ay lagnat, pananakit ng ulo at chills, at kung hindi maagapan ay nakamamatay.

Nauna nang sinabi ni Health Sec. Teodoro Herbosa na posibleng sa loob ng dalawa hanggang tatlong taon ay maideklara nang malaria-free ang Pilipinas.

Facebook Comments