
Sinimulan na ng mga ahensya ng gobyerno ang utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na baguhin o “i-recalibrate” ang pagho-host ng Pilipinas sa ASEAN 2026.
Ayon kay Executive Secretary Ralph Recto, babawasan ang mga hindi mahalagang aktibidad para makatipid at makatutok sa mga pinakaimportanteng isyu.
Dahil dito, aabot sa 650 preparatory meetings ang ililipat online, mula working group hanggang ministerial level.
Inatasan din ang Department of Foreign Affairs (DFA) na magsagawa ng diplomatic briefings para iayon ang mensahe at mga kasunduang lalabas sa summit.
Paliwanag ni Recto, hindi na ito panahon para sa magagarbong seremonya kundi para sa mabilis na aksyon at konkretong solusyon sa gitna ng krisis, kabilang ang epekto ng gulo sa Middle East.
Nauna nang sinabi ni Pangulong Marcos na gagawing simple na lamang ang ASEAN Leaders’ Summit sa Mayo at tututok sa usapin sa enerhiya, pagkain, at kalagayan ng migrant workers o overseas Filipino workers (OFWs).










