Aabot sa 614,000 na mga pasahero kada araw ang maseserbisyuhan ng North-South Commuter Railway (NSCR) mula Clark hanggang Calamba.
Matatandaan na opisyal nang sinimulan ang konstruksyon para sa NSCR Project ng Philippine National Railways (PNR) sa Sta. Rosa, Laguna kung saan sinimulan na ang pagbaklas sa mga riles ng tren.
Sa groundbreaking ceremony sinabi ni Transportation Secretary Jaime Bautista na ang mga trainset na hindi magagamit dahil sa pagsasara ng mga istasyon mula Alabang hanggang Calamba ay ililipat sa ibang linya, tulad ng linya mula Quezon hanggang Bicol.
Para kay PNR General Manager Jeremy Regino, magdudulot ang NSCR ng moderno, komportable, efficient, ligtas, at abot-kayang mass transportation.
Sa July 16 ay isasara naman ang linya ng PNR mula Alabang hanggang Biñan para rin sa konstruksyon ng NSCR.
Inaasahang tatagal hanggaang 2028 ang nasabing proyekto. P20 ang magiging boarding fare at dalawang piso naman ang magiging singil sa bawat kilometro. Nagkakahalaga ng P73.24 bilyon ang contract package ng nasabing proyekto na may habang 32 kilometro at may siyam na elevated stations mula Alabang hanggang Calamba.