Naitala ngayon ng Department of Health (DOH), University of the Philippines – Philippine Genome Center (UP-PGC), at University of the Philippines – National Institutes of Health (UP-NIH) ang higit 600 panibagong kaso ng Delta variant sa buong bansa.
Base sa datos na inilabas ng DOH, nasa 640 ang naitala nilang bilang mula sa 748 na samples na nasuri.
Sa nasabing bilang ng nadagdag na kaso, 584 dito ay local cases, 52 ay pawang Returning Overseas Filipinos (ROF) at 4 na kaso ang kasalukuyang bineberipika kung saan nanggaling.
Nangunguna sa pinakamaraming naitalang bagong kaso ng Delta variant ay ang National Capital Region (NCR) na may 112, Cagayan Valley, 52 at 49 sa CALABARZON habang may 2 kaso naman ang mula sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao.
Tatlo sa mga naitalang bilang ay active cases, 13 ang nasawi kung saan 624 ang nakarekober sa nasabing sakit.
Sa kasalukuyan, pumalo na sa 2,708 ang naitalang kaso ng Delta variant; 2,488 ang Alpha vaiant; 2,725 ang Beta variant habang 5 ang naitalang P. 3 variant na pawang local cases pero nakarekober na sa sakit.