Higit 600 na empleyado ng isang cellphone company na tinanggal, nagkilos-protesta sa DOLE

Nagkilos-protesta sa harap ng tanggapan ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang nasa higit 600 na empleyadong tinaggal ng kumpanyang Vivo Mobile Tech, Inc.

Ito ay upang iparating sa pamunuan ng DOLE ang kanilang hinaing hinggil sa pagkakatanggal sa trabaho kung saan umaabot sa 689 ang kanilang bilang.

Iginiit ng grupo na nagsimula ang pagkakatanggal ng bawat isa matapos na maglabas ng memo ang pamunuan ng nasabing kumpanya na nalulugi na umano sila.


Pero ayon sa mga nagkilos-protesta, imposibleng mangyari ito dahil bawat isa sa kanila ay nakakapagbenta ng 50 units kada buwan na katumbas ng benta na P300,000 kada empleyado.

Dito na sila bumuo ng unyon at nagkaroon ng Collective Bargaining Agreement (CBA) pero hindi naman sumunod ang naturang kumpanya na pagmamay-ari umano ng Chinese.

At dahil dito, nag-file ng retrenchment ang kumpanya saka nagsagawa ng mass hiring sa ilalim ng agency na kasabwat umano nila.

Ang iba sa kanila ay wala man lang natanggap na separation pay pati cash bond habang ang mga nais magpabayad ay tatanggap lamang umano ng P23,000 bilang katumbas ng kanilang serbisyo sa loob ng apat hanggang limang taon kaya’t tinanggihan nila ito.

Facebook Comments