Higit 600 na indibidwal, sumalang sa libreng swab test sa Quirino Grandstand

Umaabot na sa higit 600 ang sumalang sa isinasagawang libreng swab test ng lokal na pamahalaan ng Maynila sa Quirino Grandstand.

Sa datos na ibinahagi ng Manila Public Information Office, nasa 654 na ang bilang ng mga sumailalim sa libreng swab test kung saan 8 sa kanila ang nagpositibo sa virus.

Ang mga nag-negatibo naman na nais makakuha ng kopya sa resulta ng kanilang swab test ay maaaring magtungo sa Manila Health Department para magamit nila ito lalo na sa pagpasok sa trabaho.


Samantala, nasa 1,875 na ang sumalang sa ikinasang balik-Maynila swab test ng lokal na pamahalaan at 20 sa kanila ay positibo sa COVID-19.

Dahil dito, gumagawa na ng paraan ang Manila Local Government Unit na mabigyan ng atensyong medikal ang mga nagpositibo para hindi mahawa ang pamilya, kaibigan at katrabaho ng mga ito.

Nasa 79,003 na rin ang bilang ng mga residente ang nagpalista sa online pre-registration para makakuha ng libreng bakuna kontra COVID-19 mula ng sinimulan ito noong pagpasok ng taong 2021.

Facebook Comments