HIGIT 600 PAMILYA, APEKTADO NG BAGYONG GENER

CAUAYAN CITY – Inulat ng Regional Disaster Risk Reduction and Management Council Region 2, na umabot na sa 642 ang pamilyang na naapektuhan ng pananalasa ni Bagyong Gener.

Ang nabanggit na bilang ay binubuo ng 1,815 na indibidwal at naitala ang pinakamarami nito sa Probinsya ng Nueva Vizcaya.

Kaugnay nito, kaagad naman na nag abot ng inisyal na tulong pinansyal na nagkakahalaga ng P86,400 ang Pamahalaang Panlalawigan ng Nueva Vizcaya sa lahat ng apektadong pamilya.


Samantala, dahil naman sa tuluy-tuloy na malakas na pag-ulan, limang kalsada at apat na tulay ang hindi madaanan matapos itong malubog ng tubig.

Umabot din sa 24 na bayan sa Cagayan, siyam sa Isabela, at 13 naman sa Nueva Vizcaya ang kinailangang mag suspinde ng klase matapos itaas sa red alert status ang buong rehiyon.

Sa ngayon ay pinaghahandaan naman ng RDRRMC ang paparating na si Typhoon Pulasan na bagaman hindi nakikitang direktang makakaapekto sa Cagayan Valley ay palalakasin naman nito ang habagat na siyang magdadala muli ng mga pag-ulan.

Facebook Comments