Cauayan City, Isabela-Bahagyang humupa ang tubig-baha sa ilang bayan sa Isabela makaraang maranasan ang tuloy-tuloy na pag-ulan dahil sa epekto ng Bagyong Vicky.
Sa panayam ng iFM Cauayan kay Ret. Col. Jimmy Rivera, Provincial Disaster Risk Reduction and Management Officer, nasa kabuuang 683 na pamilya o katumbas ng 2,421 indibidwal mula sa 13 bayan at siyudad ang nananatiling apektado ng mataas na lebel ng tubig.
Kinabibilangan ito ng mga bayan ng Sta. Maria, Benito Soliven, Cordon, San Mariano, City of Ilagan, Quirino, Cabagan, Tumauini,Cauayan City, Delfin Albano, San Isidro, Mallig at Quezon.
Sa kabila ng paghupa, ilang pamilya na rin ang pinabalik sa kani-kanilang kabahayan habang ang iba naman ay mananatili muna sa mga nakalaang evacuation centers.
Batay sa pinakahuling datos ng PDRRMO, nasa 44 barangay ang apektado ng pagbaha subalit pagtitiyak ng Provincial Government ang mga nakahandang ayuda para sa mga pamilya.
Kaugnay nito, naitala naman ang dalawang (2) katao na ‘missing’ mula sa bayan ng San Mariano at Cordon makaraang magpumilit umano na makatawid ng ilog.
Samantala, tiniyak naman ng Provincial Health Office (PHO) na mailayo sa anumang sakit ang mga residenteng apektado ng pagbaha gaya ng leptospirosis.
Muli namang pinaalalahanan ng opisyal Isabeleño na sundin ang nararapat at mangyaring lumikas kung bahain ang kanilang mga lugar.