Patuloy ang paghahatid ng tulong ng RMN Foundation sa mga nasalanta ng Bagyong Odette sa Siargao Island.
Kasama ng RMN Foundation ang RMN Butuan at RMN Surigao nang maghatid ng food packs na naglalaman ng bigas, tubig at mga de lata sa bayan ng Santa Monica para sa 500 pamilya o katumbas ng 2,500 indibidwal.
Habang ngayong araw ay mamamahagi rin ang RMN Foundation ng food packs sa bayan ng Dinagat sa Dinagat Islands para sa 660 pamilya partikular na sa brgy. Mabini at brgy. Libertad.
Ayon sa mga Residente, hirap pa rin sila sa pagkain at nangangailangan din sila ngayon ng mga materyales para sa pagpapagawa ng bahay.
Kaya naman, nakatuwang din ng RMN Foundation ang Project Nightfall Organization na nagbigay din ng tulong.
Ang Project Nightfall Organization ay isang social media channel na gumagawa ng mga makabuluhang video content at mga mahahalagang usapin sa kasalukuyan.
Samantala, nagpapasalamat din ang RMN Foundation sa mga naging kaagapay para maisakatuparan ang misyon kabilang na ang Surigao del Norte provincial government, Santa Monica Local Government Unit at Santa Monica Municipal Police Station.