Kasalukuyan pa ring nasa mga evacuation center ang nasa 600 pamilya na nagpalipas ng magdamag kagabi dahil sa pagtaas ng tubig baha sa kani-kanilang lugar dulot ng malakas na ulan sa lungsod ng Quezon.
Ayon sa Quezon City Local Government Unit (LGU), napilitang ilikas ang 605 pamilya o 1,528 indibidwal mula sa Damayang Lagi, Quirino 2A, Barangay ng Roxas, Bagumbuhay at Barangay Tatalon dahil sa pagbaha sa nasabing mga barangay.
Pinakamaraming inilikas ay mula sa Barangay Tatalon, na may bilang na 868 indibidwal o nasa 275 na pamilya na sinundan naman ng barangay Mangga na may 183 pamilya.
Samantala, patuloy naman na pinaghahanap pa ng Quezon City Disaster Risk Reduction and Management Office (QC-DRRMO) ang taong nalunod sa Barangay Bagong Lipunan at ipinagpapatuloy ang Search and Rescue operation para hanapin ang sinasabing indibidwal.