Higit 6,000 bagong kaso ng COVID-19, halos 1,000 mula sa NCR ayon sa DOH

Naitala sa National Capital Region (NCR) ang 972 na kaso ng COVID-19 mula sa 6,684 na bagong kaso na naitala kahapon.

Ayon kay Health Secretary Francisco Duque III, mula sa total number ng new cases, 934 ay mula sa Calabarzon, 753 mula sa Central Luzon, at 4,025 mula sa iba pang rehiyon.

Kaugnay nito, sinabi ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na may anim na rehiyon sa bansa ang nakikitaan ng pagtaas ng kaso ng COVID-19.


Nagkakaroon ng mabilis na pagtaas ng kaso sa Ilocos Region, MIMAROPA, Bicol, Central Visayas, Eastern Visayas, at Caraga.

Aniya, nasa ‘high risk’ level na ang healthcare utilization rate ng Cordillera, Cagayan Valley, Zamboanga Peninsula, Calabarzon, at Central Luzon.

Nakatuon na ang DOH sa mga pagpapalakas ng healthcare capacity sa mga probinsya lalo na sa mga lugar na nakararanas ng pagsipa ng kaso.

Inatasan na ng DOH ang mga health authorities sa Visayas at Mindanao na alamin ang pangangailangan ng mga healthcare facilities.

Aniya ang case surge na nangyayari sa Visayas at Mindanao ay ikinokonsiderang “multifactorial.”

Ang mga hospital ay binigyan ng mandatong itaas ang kanilang COVID-19 capacity sa 30% para sa pribadong ospital at 50% para sa pampublikong ospital sakaling magkaroon ng surge.

Facebook Comments