Aabot sa higit 6,000 benepisyaryo sa lungsod ng Maynila ang makakatanggap ng ayuda mula sa national government ngayong araw.
Ang mga benepisyaryo na nakalista sa Manila Department of Social Welfare (MDSW), ay ang mga lubos na naapektuhan sa Enhanced Community Quarantine (ECQ) sa Metro Manila.
Nasa 2,914 na benepisyaryo mula sa anim na barangay ang inaasahan na darating sa Jose Abad Santos High School sa Binondo, Maynila.
Nasa 3,645 na benepisyaryo mula sa anim na barangay ang makakatanggap din ng ayuda sa Marcela Agoncillo Elementary School.
Upang masiguro na hindi dadagsain ng mga residente ang pagkuha ng ayuda, nagpatupad ng iskedyul ang bawat barangay.
Samantala, hiwalay namang petsa ang itinakda para sa mga benepisaryo ng Brgy. 275 sa Binondo.
Ito’y dahil aabot sa 4,000 ang bilang ng benepisyaryo sa nasabing barangay kung saan sisimulan ito sa araw ng Biyernes, Agosto 13.