Higit 6,000 kalsada sa bansa, nagawa sa unang dalawang taon ng Build Build Build Program

Aabot na sa higit 6,000 kalsada sa bansa ang nagawa at naisaayos sa loob ng nakalipas na dalawang taon.

Ayon kay Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Mark Villar – maituturing na milestone ito para sa Pilipinas.

Mula nang ilunsad ang Build Build Build Program ng Duterte administration noong July 2016, nasa 6,157 kilometers na kalsada ang naitayo, napalawak, na-upgrade at na-rehabilitate, habang 2,680 tulay sa buong bansa ang naitayo at naisaayos mula July 2016 hanggang December 2018.


Bahagi ng maambisyosong infrastructure program ng pamahalaan ang paggawa ng mga high-standard highways at expressways, roads at bridges, kabilang din ang mga diversion roads, flyovers, interchanges at underpass.

Malaki ang maitutulong nito sa pagresolba sa matinding pagsisikip ng trapiko at nararamdaman ng publiko ang magandang epekto nito.

Binigyang diin pa ni Villar na hindi lang ang road network sa Luzon ang pagagandahin, nakatuon din ito sa iba’t-ibang panig ng bansa.

Sa taong 2022, kumpiyansa ang DPWH na ang 1,101.15 kilometer Philippine High Standard Highway Network Program ay makukumpleto.

Binubuo nito ang iba’t-ibang proyekto sa rehiyon, na kinabibilangan ng 940.799 kilometer Luzon Spine Expressway Network, 73.75 kilometer Cebu High Standard Highway Network at ang 86.61 kilometer Davao High Standard Highway Network.

Facebook Comments