Nakahanda na ang higit 6,000 na paaralan sa buong bansa para sa implementasyon ng expansion phase ng face-to-face classes.
Ayon kay Education Asec. Malcolm Garma, nasa 304 na paaralan na nasa ilalim ng Alert Level 2 ang pinayagan ng magsimula ng limited face-to-face classes kung saan 123 dito ay mula sa National Capital Region (NCR); 12 sa Region 2; 106 sa Region 3; at 54 sa Region IV-A.
Sinabi rin ni Education Sec. Leonor Briones na aprubado na ang mga polisiya para dito at nakahanda na itong ipatupad.
Gayunpaman, bagama’t nakahanda na rin ang 6,043 na natitirang paaralan ay hindi pa ito pinapayagang magsimula ng klase dahil ito ay nasa ilalim pa ng Alert Level 3.
Samanatala, sinabi naman ng Department of Education (DepEd) na tanging ang mga bakunadong guro at mag-aaral lamang ang maaaring lumahok sa expansion ng face-to-face classes.