Naproseso na ng Bureau of Customs o BOC ang nasa 6,603 na shipments ng mga personal protective equipment o PPE, medical supplies at mga donasyon para agarang mailabas at mapakinabangan ng mga frontliners sa patuloy na banta ng COVID-19 sa bansa.
Sa pahayag ng BOC ngayong Lunes ng umaga, ang bilang ay naitala mula March 9 hanggang April 12, 2020.
Bagama’t umiiral ang Enhanced Community Quarantine (ECQ) sa Luzon bilang pag-iingat kontra COVID-19, tinitiyak ng BOC na maii-release ang mga PPE at medical supplies na laan para sa mga frontliner gaya ng mga health care workers.
Kabilang sa mga PPE ay mga face mask, gloves, thermometers at COVID-19 testing kits at iba pa.
Ang mga shipment ay nairekord sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA), Cebu at Clark Ports at iba pang bahagi ng bansa.
Dagdag ng BOC, prayoridad ang mga naturang shipment at hangga’t maaari ay iiwasan nila ang anumang delay.
Sa ngayon, puspusan pa din ang papo-proseso ng customs sa mga imported shipments na dumadating kung saan manual muna nila ito isinasagawa dahil sa nagkaroon ng technical problem ang kanilang electronic-to-mobile (E2M) system.