Umaabot na sa higit na sa 62,000 ang election returns o ERs na natanggap ng Parish Pastoral Council for Responsible Voting o PPCRV para sa “unofficial parallel count” nito kaugnay sa 2022 national at local elections.
Sa pinaka-huling bilang ng PPCRV, nasa 62,752 ang ERs na nakuha ng PPCRV command center sa University of Santo Tomas o UST.
Katumbas ito ng 58.22% mula sa kabuuang 107,785 precincts kung saan 38,770 na ERs ang nanggaling sa North at South Luzon.
Habang nasa 10,033 ERs naman ang mula sa National Capital Region o NCR.
Nasa 11,011 ang ERs mula sa Visayas at 2,938 na ERs naman ang nanggaling sa Mindanao.
Wala pa naman natatanggap na ERs ang PPCRV mula sa overseas o sa ibayong-dagat ay simula ngayong araw, ang operasyon ng PPCRV command center ay mula alas-8:00 ng umaga hanggang alas-8:00 ng gabi na lamang.