Target ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) na makapagsanay ng 600,000 hanggang 650,000 na Pilipino ngayong taon gamit ang ₱19 bilyong budget ng ahensiya.
Maaari pa itong umabot sa halos 700,000 trainees depende sa demand.
Sa Malacañang press briefing, sinabi ni TESDA Secretary Jose Francisco “Kiko” Benitez na ito na ang pinakamalaking pondo sa kasaysayan ng TESDA.
Ang bilang ng masasanay ay nakadepende rin aniya sa uri at haba ng training, tulad ng near-hire, upskilling, at digital skills programs.
Ayon kay Benitez, mas mataas ang tsansang makakuha ng trabaho ng mga dumadaan sa Enterprise-Based Education and Training (EBET), na may 85% hanggang 95% employability rate.
Dagdag pa niya, patuloy na pinalalakas ng TESDA ang ugnayan nito sa mga industriya sa pamamagitan ng EBET, tax incentives, at Adopt-a-School Program katuwang ang DepEd at iba pang ahensya.
Layunin ng TESDA na mas marami pang Pilipino ang makakuha ng kasanayan at magkaroon ng mas maayos na oportunidad sa trabaho.










