Higit pitong milyong pisong halaga ng shabu ang nasabat ng mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Regional Office at National Capital Region (NCR) RSET-2 at iba pang anti-drug enforcement agencies sa isang operasyon sa lungsod ng Caloocan City.
Sa nasabing operasyon, dalawang drug personalities ang nadakip na kinilalang sina Macmod, Raquel Ducan, residente ng Camarin, Caloocan City at si Ali, Abdulbasit Abdullatip, residente ng Upper Bicutan, Taguig City.
Ayon sa ulat, ang buy-bust operation ay isinagawa sa Zapote Road kanto ng Ilang-ilang Street, Barangay 177, Caloocan City na nagresulta sa pagkakadakip ng mga suspek.
Kabilang sa mga nasamsam sa operasyon ang 10 transparent plastic bag na naglalaman ng pinaghihinalaang shabu na tumitimbang ng MOL 1000 gramo at 5 pang transparent plastic sachet ng 50 gramo ng shabu na aabot sa kabuuang P7,140,000.
Nakumpiska rin sa operasyon ang iba’t ibang identification card, isang cellphone, at isang puting Toyota Vios.
Ang mga akusado ay mahaharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Ang operasyon ng PDEA ay sinaksihan ng mga tauhan ng barangay at kagawad ng media.