Pumalo na sa kabuuang 1,596 na displaced Overseas Filipino Workers mula sa iba’t-ibang lugar sa Pangasinan ang natulungan ng Tulong Pangkabuhayan sa OFW Project na pinangangasiwaan ng Pamahalaang Panlalawigan na kung saan ang naturang datos ay kinumpirma ng Provincial Employment Services Office (PESO) na siyang nangangasiwa ng proyekto katuwang ng Provincial Migration Development Council.
Ayon kay PESO Labor and Employment Officer III Rachel Jose, mayroon ng P7.98 milyon na naipamahaging tulong pangkabuhayan para sa sektor ng OFWs sa lalawigan na sa kasalukuyan ay nasa ikalawang edisyon na ang proyekto mula ng ito ay inilunsad noong nakaraang taon bilang bahagi ng programang Abig Pangasinan.
Kada isang bayan o lungsod ay may 25 benepisyaryo ang nabibiyayaan ng tig-P5,000 bilang panimulang kapital ng mga ito para sa bubuksang maliit na negosyo.
Layon ng pamahalaang lalawigan na magkaroon ng pagkakakitaan ang mga napauwing OFWs dahil sa kasalukuyang pandemya.
Maliban sa distribusyon ng tulong pangkabuhayan, nagsagawa din ng oryentasyon para sa Tulong Pangkabuhayan sa OFW Project at training para sa Basic Management. | ifmnews