Higit 7 milyong indibidwal, nabakunahan sa 2nd round ng National Vaccination Days

Umaabot sa kabuuang 7,497,802 doses ng bakuna kontra COVID-19 ang naiturok sa ikalawang yugto ng Bayanihan, Bakunahan nitong December 15 hanggang 23, 2021 sa buong bansa.

Ayon kay acting Presidential Spokesperson at Cabinet Secretary Karlo Alexei Nograles, sa kabila ng pananalasa ng Bagyong Odette at nagdaang Pasko ay madami pa rin sa ating mga kababayan ang nagpabakuna.

Kasunod nito, nagpapasalamat ang Palasyo sa kooperasyon ng publiko gayundin sa walang sawang sakripisyo at dedikasyon ng mga medical frontliner, vaccinators at iba pang volunteers.


Sa nasabing 2nd round ng National Vaccination Drive, ang Region 4-A ang nakapagtala ng pinakamataas na nabakunahan na umabot sa higit 1.2 milyon na sinundan ng Region 3 na may 919,822 at Region 6 na nakapagtala ng aabot sa 658,805.

Samantala ang Region 1 naman ang nakasungkit ng highest percentage of jabs administered na umaabot sa 561,858 jabs o 277.84% mula sa 202,224 target na mabakunahan.

Kaugnay nito, tiwala ang National Task Force Against COVID-19 na makakamit ng pamahalaan ang 77 milyong fully vaccinated na Pilipino sa unang quarter ng 2022.

Facebook Comments