Higit 70 indibidwal, nasagip sa ikinasang operasyon ng Manila Department of Social Welfare

Nagkasa ng malawakang rescue operations ang Manila Department of Social Welfare (MDSW) sa ilang bahagi ng Maynila.

Pinangnunahan mismo ni MDSW Chief Jay Dela Fuente ang operasyon base na rin sa kahilingan ng mga barangay chairman.

Partikular na ikinasa ang operasyon sa Rizal Avenue, Plaza Lawton, Recto Avenue, Sta. Cruz at Paco katuwang ang Manila Police District (MPD) at Department of Public Service.

Aabot sa 71 indibidwal ang nasagip ng MDSW na kinabibilangan ng walong menor de edad, 48 na adult, at 15 senior citizen.

Nabatid na 46 sa kanila ay nakitang natutulog, 13 ang nakatambay, at 12 babae ang nagbebenta ng aliw.

Ang mga bata ay dadalhin ng MDSW sa Manila Boys Town habang ang mga nakakatanda ay mananatili sa Luwalhati ng Maynila – Home for the Aged para alagaan at bantayan.

Isasailalim naman sa counseling at bibigyan ng kaukulang tulong ang mga babaeng sex workers lalo na’t ang iba sa kanila ay solo parent habang ang ilan kalalakihan ay ibeberipika kung may mga record sa presinto saka ite-turn over sa MPD.

Facebook Comments