Aabot sa 78 residente ng Barangay San Dionisio sa lungsod ng Parañaque ang nagpositibo sa rapid test matapos ipatupad ang tatlong araw na “calibrated and reasonable lockdown” sa lugar.
Mula sa 1,400 na target individuals, aabot sa 1,698 ang naisalang ng lungsod sa rapid testing.
Sa bilang ng mga nagpositibo, 44 ang asymptomatic o hindi nagpapakita ng anumang sintomas ng COVID-19.
Ayon kay Parañaque City Mayor Edwin Olivarez, agad na isusunod ang pagsasagawa ng confirmatory test o swab testing sa mga nagpositibong indibidwal at kapag muling nagpositibo ang mga ito ay dadalhin na sila sa isolation facility base sa guidelines ng Department of Health (DOH).
Sa kasalukuyan, mayroon nang 119 kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa Barangay San Dionisio kung saan dalawa na ang nasawi at 76 ang gumaling.
Ang Barangay San Dionisio ang ikalawang barangay sa lungsod na isinailalim sa tatlong araw na calibrated lockdown pagkatapos ng Baclaran.