Nasa 75 police assistance desks (PADs) ang ipapakalat ng Manila Police District (MPD) bilang bahagi ng programang Ligtas Balik- Eskwela 2023-2024.
Ayon kay MPD Chief Brig. Gen. Andre Dizon, ipupwesto ang mga ito sa gates ng mga unibersidad at pampublikong paaralan sa Maynila.
Ito’y para palakasin pa ang police visibility at seguridad lalo na sa mga estudyante na pumapasok tuwing gabi.
Sinani ni Dizon na nasa 210 MPD personnel ang itatalaga niya sa mga PAD kung saan patuloy na iikot ang mga mobile, bike at foot patrol units sa paligid ng mga paaralan.
Maaring magreklamo o magsumbong ang mga magulang, guro at estudyante sa mga assistance desk upang agad na makagawa ng aksyon ang mga awtoridad.
Nasa 871 na tauhan ng MPD ang ipapakalat na magbabantay sa 250 pampubliko at pribadong paaralan sa Maynila
Aabot naman sa 71 pulis ang itatalaga sa Tactical Motorcycle Riding Unit (TMRU), 59 sa intelligence unit, at 12 MPD personnel kasama ang K9 drug-sniffing dogs mula sa explosive ordinance disposal (EOD) unit ang magbabantay rin sa mga paaralan gayundin sa mga malls at pampublikong transportasyon.