Cauayan City, Isabela-Aabot sa mahigit 700 indibidwal mula sa bayan ng Claveria at Santa Praxedes sa lalawigan ng Cagayan ang inilikas ng mga otoridad bunsod ng naranasang pagbaha at pagguho ng lupa dahil sa pag-uulan na nararanasan sa probinsya.
Batay sa datos ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO), nasa bilang na 212 ang mula sa Claveria habang 540 mula sa Sta. Praxedes ang mga residenteng inilikas.
Kasalukuyan naman ang ginagawang pagpapalikas sa ilang residente sa bayan naman ng Sanchez Mira.
Kasabay nito, nagsasagawa na rin ang mga tauhan ng PDRRMO katuwang ang ilang ahensya ng gobyerno ng clearing operations sa mga pangunahing lansangan sa mga nabanggit na bayan dahil sa ilang nakahambalang na kahoy dulot ng pagguho.
Samantala, nakauwi na sa kani-kanilang bahay ang dalawang pamikya na lumikas kagabi mula sa isla ng Calayan.
Pinapayuhan naman ng mga otoridad na iwasan muna ang pagdaan sa mga nasabingugar dahil sa delikado ito.
Ayon naman kay Wilson Valdez, tagapagsalita ng DPWH-region 2, hirap silang makapagsagawa ng clearing operation dahil sa malalaking kahoy at landslide ang nakahambalang sa mga daan ngayon.
Dahil dito, pansamantalang sarado ang kalsada na papasok ng Cagayan sa nabanggit na mga lugar lalo na sa mga manggagaling sa Ilocos region.