HIGIT 700 MAGSASAKA SA ISABELA, TUMANGGAP NG TULONG PINANSYAL

May kabuuang 770 na magsasaka mula sa bayan ng Sta. Maria, Isabela ang tumanggap ng Rice Farmers Financial Assistance mula sa Department of Agriculture Regional Field Office 02.

Bawat magsasaka sa nasabing bayan ay nakatanggap ng tig P5,000 at tumanggap rin ang mga naturang benepisyaryo ng mga makinarya sa pagsasaka at binhi ng palay.

Samantala, ang mga ipinamahaging tulong pinansyal at gamit sa bawat magsasaka ay nanggaling umano sa nakolektang taripa mula sa pagpapatupad ng Republic Act No. 11203 o ang Rice Tariffication Law.

Ayon kay Dr. Marvin Luis, Regional Coordinator, Rice Program at Assistant Chief of Field Operations Division ng DA RFO 02, layunin ng nasabing tulong na mabawasan ang epekto ng batas lalo na sa mga magsasaka ng palay na wala pang dalawang ektaryang sinasaka.

Aniya, ang mga apektadong magsasaka ang kanilang prayoridad na mabigyan ng naturang tulong pinansyal.

Umaasa naman si Dr. Luis, na ang mga interbensyon gaya ng mga nabanggit ay lubos na mapapakinabangan ng mga magsasaka hanggang sa ganap nang maipatupad ang nasabing batas sa taong 2024.

Facebook Comments