Umabot sa 724 na insidente ng sunog sa buong bansa ang naitala ng Bureau of Fire Protection (BFP) mula December 1 hanggang ngayong December 24, 2024.
Sa Bagong Pilipinas Ngayon, sinabi ni BFP Spokesperson Fire Sr. Supt. Annalee Atienza na mas mababa ito sa naitalang 1,112 fire incidents sa kaparehong panahon noong 2023.
Nakatulong aniya ang fire safety education at fire prevention campaign, kaakibat na rin ng kooperasyon ng mga komunidad at pagtulong ng mga lokal na pamahalaan.
Samantala, may naitala na ring 15 insidente ng sunog na may kaugnayan sa paggamit ng paputok.
Kaugnay nito patuloy na naka-activate ang ‘Oplan Paalala Iwas Paputok’ ng BFP habang pinag-iingat din ang publiko sa paggamit ng Christmas lights na maaaring magdulot ng sunog dahil sa electrical ignition.
Magdamag ding mag-iikot ang mga fire personnel upang mapanatili ang visibility ngayong holiday season.