Higit 7,000 MT asukal, naharang ng BOC sa Subic Port sa Zambales; Kargamento, ginamitan ng recycled import permits!

Napigilan ng mga tauhan ng Bureau of Customs (BOC) na maipasok sa bansa kahapon ang nasa 7,021 metriko toneladang asukal.

Sa impormasyon mula sa Office of the Press Secretary, karga ng MV Bangkok Kaew ang nasa 140,000 sako ng puting asukal galing sa Thailand na may buwis na nagkakahalaga ng mahigit ₱45 million.

Ayon kay Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS) officer-in-charge Joeffrey Tacio, ang kargamento ay sakop ng Special Permit to Discharfe at ng Verified Single Administrative Document mula sa BOC na may verified clearance mula sa Sugar Regulatory Administration sa pamamagitan ng isang Rondell Manjarres.


Napag-alaman na ginamitan ng “recycled import permits” ang mga nasabat na asukal.

Ibig sabihin, una nang ginamit sa mga dating importasyon ang mga dokumentong ginamit sa mga naharang na asukal kahapon sa Port of Subic sa Zambales.

Samantala, ayon sa tanggapan ni Executive Secretary Vic Rodriguez, nakatanggap din sila ng mga ulat hinggil sa kaparehong modus na paggamit ng recycled import permits para magpuslit ng asukal noong nakaraang linggo.

Nagbabala naman si Press Secretary Trixie Cruz-Angeles na masisibak ang mga tauhan ng BOC na mapapatunayang nakikipagsabwatan sa mga smuggler.

Facebook Comments