Umaabot na sa mahigit 7,000 traffic violators ang na-monitor sa pamamagitan ng “No-Contact Apprehension Program” (NCAP) na ipinatupad ng lokal na pamahalaan ng Maynila
Sa loob lamang ng ilang araw matapos ilunsad ang NCAP, nasa 7,703 ang nakuhanan ng 36 camera na nakakabit sa iba’t ibang lugar sa nasabing lungsod.
Ayon kay Mayor Isko Moreno, ang mga pasaway na motorista na nakuhanan ng camera sa ilalim ng ipinapatupad na NCAP ay papatawan ng multa ng hindi bababa sa P2,000 hanggang P5,000 batay na rin sa bagong ordinansa ng konseho.
Dahil dito, muling sinabi ni Mayor Isko na maiging sumunod sa batas-trapiko kung bi-byahe o dadaan sa Maynila upang hindi maabala at magbayad ng multa.
Ang mga nagbabalak naman na takbuhan ang traffic violation ay posibleng magkaproblema sa pagpaparehistro ng sasakyan.
Nabatid na layon ng nasabing programa na maiwasan ang pagtatalo ng mga motorista na lalabag sa batas trapiko at ng mga traffic enforcer ng Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) at maiwasan na rin ang kotong sa kalsada.