Magpapakalat ang Philippine National Police (PNP) ng higit pitong libong trained tourist police sa mga pangunahing tourist spots na inaasahang dadagsain sa paparating na Semana Santa.
Sinabi ni PNP Spokesperson Police Col. Jean Fajardo na natukoy na ang mga babantayang pinakamatataong tourist destinations sa bansa.
Kaugnay nito ay ipakakalat na simula sa weekend ang mga pulis at sniffer dogs sa bus terminals, airports, at mga pantalan, at ipupuwesto rin ang mga police assistance desk.
Magkakaroon din ng police visibility sa national highways at roads.
Kabuuang 34,088 na inisyal na tauhan ng PNP ang ipinakalat sa Holy Week, at binibigyan ng awtoridad ang regional directors na magdagdag ng puwersa habang may naka-antabay ring reserve standby force.
Sa ngayon ay wala pang nade-detect ang pulisya na anumang seryosong banta sa seguridad para sa Semana Santa.