Umaabot sa 822 na PUJ drivers sa pasay na natigil muna sa pagpapasada dahil sa pinapairal na Enhance Community Quarantine (ECQ) ang binigyan na ng financial assitance ng lokal na pamahalaan.
Nakatanggap ang mga tsuper ng tig-P2, 000 kung saan maaari na silang makabili ng mga pangunahing pangangailangan ng pamilya habang sila ay hindi nakakapamasada.
Isa-isang tinanggap ng mga driver ang P2,000 cash sa ginanap na Financial Assistance Distribution to PUJ Drivers sa Pasay City West High School sa pangunguna ni Ace Sevilla, na siya ring pinuno ng Tricycle and Pedicab Franchising and Regulatory Office (TPFRO) ng Pasay City Hall.
Idinagdag pa ni Sevilla na ipinahanda na rin ni Mayor Emi Calixto-Rubiano ang pagbibigay ng financial assistance para naman sa umaabot sa 3,000 na mga tricycle drivers at mahigit 2,000 Pedicab drivers sa Pasay na pawang naapektuhan din ng quarantine.
Dagdag pa ni Sevilla, siniguro daw ng alkalde sa kaniya ang kaukulang suporta sa mga apektadong drivers ng PUJ, tricycle at pedicab sa Pasay hanggat hindi pa natatapos ang ECQ.
Sa ngayon patuloy ang pamamahagi pa rin ng food packs ng lokal na pamahalaan sa bawat barangay at muli nilang pakiusap sa mga residente na sumunod sa pinapairal na ECQ at manatili na lamang sa kanilang tahanan upang hindi na lumaganap pa ang COVID-19.