Cauayan City – Inilikas na patungo sa ligtas na lugar ang 284 na pamilya na binubuo ng 828 indibidwal mula sa lalawigan ng Cagayan dahil sa hagupit ni bagyong Julian.
Ayon sa monitoring ng PDRRMO, alas sais pa lamang ng umaga ngayong ika-30 Setyembre ay nagsagawa na ng pre-emptive evacuation sa mga bayan na kinabibilangan ng Sta. Praxedes, Gattaran, Calayan, Pamplona, Gonzaga, at Sta. Ana, Cagayan dahil sa nararanasang tuluy-tuloy na pagbuhos ng ulan dahil sa bagyo.
116 bilang ng pamilya ang nasa labas ng evacuation area, habang ang 172 pamilya na binubuo naman ng 482 na mga indibidwal ay kasalukuyang namamalagi sa iba’t-ibang evacuation areas sa lalawigan.
Sa kasalukuyan ay nananatili pa ring nasa Red Alert Status ang PDRRM Council, at nakahanda na rin ang lahat ng kanilang personnel maging ang mga rescue equipment sa lahat ng istasyon ng Task Force Lingkod Cagayan-Quick Response Team sakali man na may mangailangan ng tulong.
Samantala, tuluy-tuloy pa rin ang ginagawang monitoring ng mga awtoridad sa buong lalawigan upang magbantayan ang kaligtasan ng mga residente.