Cauayan City – Umabot na sa higit 800 na indibidwal mula sa bayan ng Maconacon ang inilikas dahil sa nararanasang sama ng panahon dulot ng Bagyong Marce.
Sa pinakahuling ulat ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office ng Maconacon, 277 na pamilya na binubuo ng 814 na indibidwal ang nasa evacuation areas ngayon habang 17 pamilya na binubuo naman ng 48 na indibidwal ang pansamantalang nananatili sa tahanan ng kanilang mga kaanak.
Sa kasalukuyan ay patuloy pa rin ang ginagawang monitoring ng kinauukulan sa bayan ng Maconacon maging sa lahat ng mga evacuation areas kung saan namamalagi ang mga pamilyang inilikas upang pamahagian sila ng Family Food Packs at sleeping kits.
Samantala, dahil sa sama ng panahon na nararanasan puspusan rin ang pag-aanunsyo ng advisories sa mga residente sa pamamagitan ng SMS, Social Media, at Public Announcements.
Hinihikayat naman ng mga awtoridad ang mga residente na nakatira sa mga delikadong lugar na lumikas at makipag-ugnayan sa kinauukulan upang masiguro ang kanilang kaligtasan ngayong panahon ng kalamidad.