Higit 800 na eskwelahan sa Northern Luzon, nagkansela ng klase sa unang araw ng pasukan dahil sa sama ng panahon

Hindi natuloy ang unang araw ng pagbabalik eskwela ng nasa mahigit 800 na eskwelahan sa Northern Luzon dahil sa pananalasa ng Bagyong Florita.

Sa ulat na nakarating sa Department of Education (DepEd) Central Office, kinansela ang nasa 705 na public schools at 73 na private schools sa lalawigan ng Cagayan.

Mula sa naturang bilang, 29 public schools sa Tuguegarao City ang nakansela ang klase.


Nasa Tropical Cyclone Signal Number 2 ang lalawigan ng Cagayan.

Sa mga bayan ng Alcala at Baggao sa Cagayan, walang klase mula pre-school hanggang secondary.

Nasa Tropical Cyclone Signal Number 1 ang Ilocos Norte kung kaya’t kanselado ang pasok ng mga estudyante sa mga pribado at pampublikong paaralan doon.

Sa bayan ng Solsona, mismong si Mayor Joseph Delara ang nag-utos ng kanselasyon ng klase dahil sa nararanasang sama ng panahon sa kanilang bayan.

Samantala, isang malaking tagumpay na maituturing ang muling pagbubukas ng klase sa buong bansa ngayong araw.

Ito ang inihayag ni Vice President at DepEd Sec. Sara Duterte-Carpio na pinangunahan ang National School Opening Day Program sa Dinalupihan Elementary School sa lalawigan ng Bataan.

Sa harap ng mga guro, mag-aaral at mga magulang, binigyan diin ni Duterte-Carpio ang kahalagahan ng face-to-face classes dahil sa magandang kinabukasan na dulot nito.

Aniya, hindi na kakayanin pa ng buong bansa kung iaantala pa ang pagbubukas ng klase ngayong Agosto.

Marami aniya ang nakiusap sa kaniya na ipagpaliban sa Septyembre ang pasukan subalit mas nanaig aniya ang kinabukasan ng mga kabataan.

Ang muling pagbabalik-eskwela ng mahigit sa 28 milyong estudyante sa public at private school ay maituturing na tagumpay ng kinabukasan ng mga kabataang Pilipino.

Facebook Comments