Simula nitong Sabado ng gabi inilikas na ang mga residente sa 14 na barangay sa Northern Samar bunsod nang pananalasa ng Bagyong Bising.
Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni Laoang Norther Samar Mayor Harris Christopher Ongchuan na sa ngayon ay nasa 808 pamilya o katumbas ng 2,155 na indibidwal na ang inilikas.
Ayon kay Mayor Ongchuan ang nasabing datos ay mula pa lamang sa 14 na barangay mula sa kabuuang 56 na barangay sa Northern Samar dahil hindi pa makontak sa ngayon ang iba pang local chief executives.
Magandang balita aniya dahil walang naitatalang nawawala o casualties.
Sa ngayon hindi na aniya madaraanan ang kalsada mula Laoang patungong Catubig Northern Samar dahil sa taas ng baha.
4 na barangay na rin ang napaulat na isolated dahil pa rin sa taas ng baha.
Hindi rin muna makatawid sa mainland island dahil masama ang lagay ng karagatan.
Sa oras naman na gumanda na ang panahon, tiniyak ng alkalde na sisimulan na rin ang pamamahagi ng ayuda sa mga apektadong residente.