Cauayan City, Isabela- Umakyat na 64 barangay na kinabibilangan ng mahigit 800 pamilya ang apektado ngayon ng bagyong Kiko sa lalawigan ng Cagayan kung saan pinakamarami ang labis na naapektuhan sa bayan ng Baggao na umabot sa 449 na pamilya o 1, 232 na indibidwal.
Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Task Force Lingkod Cagayan Chief Arnold Alucena, umabot na sa 2,741 na indibidwal ang apektado ng kalamidad sa iba’t ibang bayan ng probinsya.
Kaugnay nito, nananatili pa rin sa mga evacuation center ang nasa 428 na pamilya o 167 na indibidwal mula sa 48 barangay.
Nasa 58 pasahero ang stranded ngayon sa mga pantalan dahil sa sama ng panahon.
Samantala, hindi pa rin inaalis ang red alert status sa buong Cagayan dahil sa posibleng banta ng pag-uulan lalo na sa mga low-lying areas.
Sa kasalukuyan nasa light to moderate lang ang nararanasang ulan sa malaking bahagi ng lalawigan.
Sa Calayan Island, nakaranas lang umano ng malakas na pagbayo ng hangin sa loob ng isang oras habang patuloy naman na kumukuha pa ng datos sa lagay ng sitwasyon sa Babuyan Island Claro dahil sa nawalan ng linya ng komunikasyon.
Sa lalawigan naman ng Batanes, nakaranas lang ng matinding ulan ngunit wala naming naiulat pa sa ngayon na pinsala sa imprastraktura sa kabila ng nakasailalim ito sa signal number 4.