Nakapagpalabas na ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ng ₱43.66 million sa 8,065 na family beneficiaries na nakatira sa mga lugar na nasa ilalim ng granular lockdown.
Sa ilalim ng Bayanihan to Recover as One Act o Bayanihan 2, bibigyan ng ₱5,000 hanggang ₱8,000 cash subsidy ang mga mahihirap na pamilyang apektado ng lockdown measures.
Ayon kay DSWD Spokesperson Irene Dumlao, nasa ₱526.96 million ang una nang naipamahagi sa 77,358 beneficiaries.
Maraming tao ang nagrereklamo na hindi pa nila natatanggap ang kanilang cash subsidy, pero nilinaw ni Dumlao na tanging mga kwalipikado at karapat-dapat na benepisyaryo lamang ang makakatanggap ng cash aid sa ilalim ng Bayanihan 2.
Ang mga low-income families na benepisyaryo ng programa ay tukoy ng Department of the Interior and Local Government (DILG).
Kasama rin sa mga kwalipikadong makatanggap ng ayuda ay mga Overseas Filipino Workers (OFW) na napilitang umuwi ng bansa mula September 14 hanggang December 19, undocumented OFWs, o mga natanggal sa kanilang trabaho at walang natanggap na tulong mula sa Department of Labor and Employment (DOLE).
Ang mga kwalipikadong pamilyang hindi nakatanggap ng cash subsidy sa una at pangalawang tranche ng Social Amelioration Program (SAP) sa ilalim ng Bayanihan 1 ay kasama sa listahan ng Bayanihan 2.
Para sa SAP 2, aabot na sa ₱86.6 billion ang naipamahagi sa 14.4 million family beneficiaries.