Aabot sa 96 job fair sites ang itatalaga ng Department of Labor and Employment (DOLE) para sa pagdiriwang ng ika-122 Araw ng Paggawa.
Sa inilabas na abiso ng Bureau of Local Employment (BLE) ng DOLE, ang mga job fair ay mag-aalok ng mga local at overseas employment opportunities na gaganapin sa halos lahat ng rehiyon sa bansa sa Mayo 1.
Ikakasa ang nationwide job fair sa mga malls, sports complex, city hall, convention center, mga pasyalan at paaralan.
Gaganapin din ang job fair sa ilang tanggapan ng Public Employment Service Office (PESO) at mga field office ng DOLE.
Nasa halos 2,000 kompanya ang makilalahok sa naturang job fair na mag-aalok ng higit 150,00 na trabaho.
Bukod dito, isasabay rin ng DOLE sa job fair ang Kadiwa ng Pangulo na may 92 sites sa buong bansa na itatalaga kung saan makabibili ang publiko ng mga murang produkto mula sa 1,015 enterprises at 2,414 sellers.