Higit 900 empleyado ng PAGCOR, dumulog sa Court of Appeals

Mahigit 900 na kawani ng Philippine Amusement ang Gaming Corporation (PAGCOR) ang humiling sa Court of Appeals na ipawalang-bisa ang pinasok na kasunduan ng ahensiya sa isang private company para sa operasyon ng casino sa Maynila.

Sa inihaing petition for certiorari and prohibition ng PAGCOR Employees Association, hinihiling nila na ibasura ang kasunduan ng PAGCOR at foreign-owned na Marina Square Properties Incorporated.

Ang naturang kasunduan ay ginawa ilang taon na ang nakalipas kung saan naapektuhan ang maraming empleyado at inilagay sa floating status mula pa noong buwan ng Mayo.


Ito ay dahil pribadong kompanya na ang may hawak sa operasyon ng casino kaya’t hindi na sila kinuha bilang mga empleyado.

Ayon sa mga empleyado, ilang beses na silang sumulat kay PAGCOR Chairman Alejandro Tengco para idulog ang hinaing pero hindi umano sila pinapansin.

Balewala rin anila sa ahensya ang isinagawang pagdinig ng Kamara at Senado tungkol dito kung saan inirekomenda na ibalik sila sa trabaho.

Sa ngayon, umaasa na lamang ang grupo na kakatigan sila ng Court of Appeals upang ang korte na ang mag-utos sa PAGCOR na ibalik sila sa dating mga posisyon.

Wala pa namang pahayag ang PAGCOR kaugnay rito.

Facebook Comments