Higit 900 na bakanteng trabaho, inaalok sa mini job fair ng PESO Parañaque katuwang ang DZXL Radyo Trabaho

Umaabot sa 975 na trabaho ang inaalok ng mga kompanya na nakilahok sa Women’s Workers Forum at mini job fair ng Public Employment Service Office (PESO) Parañaque City katuwang ang DZXL Radyo Trabaho.

Ito’y para sa mga kababaihan na pawang mga residente ng lungsod.

Ayon kay PESO Parañaque Employment Division Head Rebecca Estrella, nasa 32 employers ang kanilang inimbitahan sa nasabing mini job fair.


Aniya, ikinasa nila ang aktibidad bilang bahagi ng pagdiriwang ng buwan ng mga kababaihan ngayong Marso.

Ang nasabing programa ay bukas para sa mga kababaihan na may edad 18 taong gulang pataas kung saan ginaganap ito sa Parañaque City Sports Complex na likod lamang ng city hall simula alas-8:00 ng umaga hanggang alas-5:00 ng hapon.

Kaugnay nito, hinihimok ni Rebecca ang lahat ng mga kababaihan sa lungsod ng Parañaque na naghahanap ng trabaho na magtungo sa nasabing venue ng mini job fair upang matulungan na magkatrabaho.

Facebook Comments