Umaabot sa 911 ang naitalang bilang ng mga na-stranded na pasahero sa mga pantalan dahil sa Bagyong Amang.
Ayon sa Philippine Coast Guard (PCG), ang mga nasabing pasahero ay nananatili sa mga pantalan na sakop ng Bicol, Southern Tagalog at Eastern Visayas Region.
Sa nasabing bilang, pinakamarami ang stranded sa Bicol Region na nasa 763 kung saan naitala ito sa Tabaco Port, Pioduran Port, Pasacao Port at Mobo Port.
Bukod dito, nasa 8 vessels at 134 rolling cargoes ang stranded rin sa mga pantalan sa nasabing rehiyon.
Pansamantala ring nakisilong sa ligtas na lugar ang 16 vessels at 12 motorbancas bunsod na rin ng epekto ng Bagyong Amang.
Patuloy namang naka-monitor ang PCG sa lagay ng panahon habang inaabisuhan ang mga pasahero sa pantalan na magdoble ingat kung saan ang mga passenger vessel ay pinayuhan na huwag ng magpumilit bumiyahe lalo na sa mga lugar na malakas ang ulan upang maiwasan ang hindi inaasahang insidente.